Saturday, January 15, 2011

Mapanlinlang na Katotohanan

Aking napagtanto, hindi lahat ng tao may lakas ng loob magpakatotoo sa ibang tao lalong lalo na sa kanilang mga sarili. Kung ating iisipin, mali ito. Maling hindi mo ipaalam sa madla kung ano ang totoo. Ang bawat nilalang binigyan ng pagkakataong mamuhay sa katotohanan ngunit karamihan sa atin ay nagkukubli sa pagkukunwari at kasinungalingan. Mga simpleng bagay na maaari namang ilahad upang mas lubos na maunawaan, kung bakit lubhang napakahirap gawin. Marahil ay ito ay dala ng takot, pagsaalang-alang para sa ibang tao o pagiging makasarili. Nakakalungkot dahil batid kong lahat ng tao ay nagnanais na makamit ang katotohanan sa lahat ng pagkakataon. Kung aking ihahambing sa mga inosenteng presong napagbintangan lamang, kailan at paano nila makakamit ang katarungan kung ang katotohanan ay sadyang mailap upang makamtan nila; sa mga magkaibigang matatakbuhan mo, ngunit paano ka nila matutulungan at maiintindihan kung hindi ka magsasabi ng totoo; sa mga mag-asawa at magkasintahang hindi nagiging tapat sa isa't isa papaano nila mararamdaman ang wagas na pagmamahal kung ang isip nila ay punong puno ng pagdududa....

PAANO? Totoo ngang ang mundo ay balot ng mapanlinlang na katotohanan, madalas kung minsan mahirap ng paniwalaan ang mga bagay bagay lalo't higit hindi naipadarama. Masaklap pa nito'y totoo man ito'y itinatanggi na ng buong pagkatao mong paniwalaan dahil minsan ka ng nalinlang ng mabubulaklak na pananalita o di kaya'y pinaniwala ka lamang sa mga bagay na hindi naman totoo. Kung gaano kahirap makuha ang tiwala ng isang tao, sa pagkakataong masira ito ni kailan man hindi na maibabalik pa sa dati kahit ano pang hirap ang danasin ng taong nagkasala.


Tunay ngang ang totoong pagmamahal ay para lamang sa mga taong matatapang susuungin ang lahat ng hirap at sakit maiparamdam lamang sa taong kanilang minamahal na ang pagmamahal nila ay puno ng katotohanan na nagmumula sa kaibuturan ng kanilang puso.


awwww. sadyang mahirap hugutin ang mga katagalugang ito kaya aking tatapusin na ang aking sanaysay..sana'y naibigan ninyo ang aking nais iparating sa madla, wala akong pinapatamaan ngunit kung kayo ay natamaan, yaon ay hindi ko na kasalanan, . ^_^


hango sa makathang isipan
maria @ 2011

No comments:

Post a Comment

leave some love <3